
Ang panunuluyan ay karaniwang ginagawa sa kalsada, naglalakad ang mga tagapag-ganap na Jose at Maria. Kung minsan, si Maria ay nakasakay sa isang kalabaw o kabayo. Sila ay tatapat sa isang tahanan at mananambitan sa pamamagitan ng mga awitin, sasagot naman ang mga nasa bahay na pa-awit rin. Mga tatlong bahay ang kanilang daraanan. Hanggang sumapit sa loob ng Simbahan kung saan may naka-gayak na Belen at doon sila tutuloy upang ipanganak ang sanggol. Ang palabas ay tatapusin sa pagdiriwang ng Misa ng Bisperas ng Pasko.
Noong bata pa ako, hindi ko pinalalampas na panoorin ang panunuluyan at talagang inaabangan ko ang Misa sa Bisperas ng Pasko, sapagkat sa Misang yaon ay may malaking parol na pinalilipad sa loob ng simbahan at tatapat sa may altar kung saan ang belen ay nakalagay.