Thursday, January 29, 2009


Ang IKAPU ayon sa Bibliya


Tanong: "Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbibigay ng ika-sampu ng mga Kristiyano?"

Sagot: Ang pagbibigay ng ika-sampu ay isang isyu para sa mga Kristiyano at marami sa kanila ay nahihirapang masunod ito. Sa ilang mga simbahan ang pagbibigay ng ika-sampu ay sobrang nabibigyan ng diin. Marami ding mga Kristiyano ang hindi sumusunod sa inihahayag ng Bibliya tungkol sa pagbibigay ng handog sa Panginoon. Ang pagbibigay ng handog o ika-sampu ay nararapat sanang ibigay ng may kasiyahan at pagpupuri. Ang nakakalungkot, hindi na ganyan ang sitwasyon sa mga simbahan sa ngayon.Ang pagbibigay ng ika-sampu ay konsepto na mula sa Lumang Tipan. Ang ika-sampu ay hinihingi ng batas kung saan ang lahat ng mga Israelita ay kinakailangang magbigay ng sampung porsiyento ng lahat ng kanilang kinikita sa mga Tabernakulo o Templo (Levitico 27: 30; Mga Bilang 18: 26; Deuteronomio 14: 24; 2 Chronica 31: 5). Naunawaan ng iba na ang pagbibigay ng ika-sampu sa Lumang Tipan ay isang paraan ng pagbabayad ng buwis para mabigyan ng tugon ang mga pangangailangan ng mga pari at Levito sa sistemang sakripisyal.

Hindi naman makikita o ipinag-uutos sa Bagong Tipan na kailangang sumunod ang mga Kristiyano sa legalistikong sistema ng pagbibigay ng ika-sampu. Sinabi ni Pablo na ang mga mananampalataya ay nararapat magtabi ng bahagi ng kanyang kinikita bilang pagsuporta sa simbahan (1 Corinto 16: 1-2). Hindi itinatakda ng Bagong Tipan ang tiyak na porsiyento ng kita na dapat itabi, sa halip sinasabi lamang nito ang “Halagang makakaya” (1 Corinto 16:2).

Kinuha ng Kristiyanong simbahan ang sampung porsiyentong numero mula sa nakasulat na ika-sampu sa Lumang Tipan at ipinatupad ito bilang “inirerekomendang pinakamababang” handog ng mga Kristiyano. Gayon man, hindi dapat ma-obliga palagi ang mga Kristiyano na magbigay ng ika-sampu. Dapat magbigay sila ng naaayon sa kanilang makakaya, “Halagang makakaya” Ibig sabihin nito, kung minsan magbigay ng higit pa sa ika-sampu, at kung minsan din magbigay ng mas mababa pa sa ika-sampu. Ang lahat ay naka depende sa kakayahan ng isang Kristiyano at sa mga pangangailangan ng simbahan.

Ang lahat ng mga Kristiyano ay nararapat manalangin ng taos-puso at hanapin ang kalooban ng Diyos kung makikilahok ba siya sa pagbibigay ng ika-sampu o kung magkano ang kanyang ibibigay (Santiago 1: 5). “Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob” (2 Corinto 9:7).