Thursday, May 15, 2008


PANALANGIN NG ISANG DUKHA

Patawarin mo ako sa aking pagiging makasarili, Panginoon, at bigyan mo ako ng pusong mapagmahal tulad ng puso Mo, upang magampanan ko ang kalooban ng Ama kahit ito’y lubhang masakit, sapagkat sa pagtupad lamang ng Kanyang kalooban matatagpuan ang kapayapaan.

Panginoong Hesus, hindi sapat para sa Iyo na maging katulad namin nang ikaw ay magkatawang-tao at nakibahagi sa aming kapalaran. Turuan mo ako, mahal kong Panginoon, na maging tulad mo sa paghahandog ng sarili at sa mapagpakumbabang paglilingkod sa aking kapwa.

Panginoong Hesus, nakikita ko sa iyo ang di-mabilang na mga taong hirap na hirap sa bigat ng mga krus ng mga kakulangan na kanilang pasanin: ang mga krus ng mga pagkukulang at kapintasan ng ibang tao.
Ipagkaloob mo sa akin, O Panginoon, ang biyayang kailanma’y di magbigay ng mga pasanin sa kapwa dahil sa aking mga kakulangan, at pasaning lagi nang may lakas ng loob ang krus ng aking pang-araw-araw na tungkulin sa pakikiisa sa Iyo.

Maraming beses rin akong nadapa tulad mo Panginoon, sa tuwing ang mga pagsubok at pagkabigo ay aking nararanasan. Kapag nangyayari ito, Panginoon, huwag mong hayaang tuluyan akong malugmok sa alabok ng pagkapahiya at pagkatalo dahil sa pagkasira ng loob at kakulangan ng pananampalataya.
At kapag nadarapa ang aking mga kapatid, pagkalooban mo ako ng pusong mahabagin upang hindi na ako makabigat pa sa kanilang pasanin.

Panginoon, ang iyong masuyong mga kamay na nagbasbas sa mga bata at mga maysakit, ay walang awang napako sa krus. Ang iyong mga paa na nagdala sa iyo sa maraming bayan upang dalhin ang Magandang Balita ng Kaharian sa lahat, gayundi’y napako upang di makagalaw. Ang dahilan ng mga ito ay hindi dahil ikaw ay nakapako, kundi dahilan sa pag-ibig mo sa aming mga makasalanan.
Kapag ang katapatan sa aking mga tungkulin, Panginoon, ay nagiging parang matatalas na pakong umipit sa akin sa krus ng aking mga pangako, ipagkaloob mo sa akin ang biyayang magtiyaga hanggang sa katapusan, nang dahilsa pag-ibig at nang may pag-ibig.

Ama Namin, sumasalangit ka. Sambahin ang Ngalan Mo. Mapasaamin ang kaharian Mo. Sundin ang loob Mo dito sa lupa kapara ng sa langit.
Bigyan Mo kami ng aming kakanin sa araw-araw. Patawarin Mo kami sa aming mga sala, katulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin. At huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso at iadya Mo kami sa lahat ng masasama. Amen.

No comments: