Saturday, April 4, 2009

IKA-APAT SA HULING WIKA MULA SA KRUS


DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?”
(Mt. 27:46; Mk. 15:34)


Diyos ko, Diyos ko, bakit mo naman ako’y pinabayaan? Panaghoy ng isang nilalang na waring pinabayaan ng Diyos; ng isang tao na ang hinaing ay hindi napakinggan o ang kanyang panalangin ay hindi nabigyan-pansin. Isang sigaw ng nagpapahiwatig ng damdamin ng kawalang-halaga, ng itinakwil, ng nag-iisa, ng binale-wala, ng kawalang-pag-asa.

Subalit, teka; hindi ba’t mula sa bibig ni Jesus, ang mahal na Anak ng Diyos, nagmula ang mga katagang ito? Hindi maaaring mangyari ito! Paano pababayaan ng Ama ang kanyang anak na maraming beses na nagsabi: “Ako at ang Ama ay iisa”. “Ako ay sumasa-Ama at ang Ama ay sumasa-akin”. Bakit nga ba nasambit ni Jesus ang ganitong mga kataga? Bahagi ba ito ng misteryo ng Kanyang pagiging tao, o talagang matindi ang kanyang dinaranas na paghihirap.

Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan? Sa ganitong mga salita, si Jesus ay tunay na tao! Siya ngayon ay nakararanas ng matinding paghihirap na siya ring dinaranas ng tao. Hindi ba’t ganito rin ang panaghoy ng mga tao, makasalanan man o banal?

Sa Lumang Tipan, si Haring David ay ganito ang panambitan sa Salmo 22: “vO Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan? Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan? Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos, di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.”

Gayundin din ang butihing si Job. Sa kabila ng kanyang pagiging mabuti sa paningin ng Diyos ay dumanas pa rin ng maraming trahedya sa buhay; nawala ang kanyang lupain, mga alagang hayop, ang kanyang anak at asawa, nawala ang lahat sa kanya. Tunay na pinabayaan na siya ng Diyos. At dapat lang na magalit si Job sa Diyos: "Ako'y nagsasawa na sa buhay kong ito, sasabihin ko nang lahat, mapapait kong reklamo. Aking Diyos, huwag n'yo muna akong hatulan, sabihin ninyo sa akin ang inyong paratang. Tama ba namang iyong pagmalupitan, parusahan at itakwil ang likha ng iyong kamay? At ang gawain ba ng masamang tao ang iyong magugustuhan? (Job 10:1-3).

Ilan beses na rin ba nating narinig sa tao: Diyos ko, bakit po ba nangyari ang mga bagay na ito? Diyos, bakit naman kami’y iyong pinabayaan?

Kapag may mga kalamidad, tulad ng baha, bagyo, sunog, lindol: bakit iyon pang maliliit na bahay ang nasisira, mga mahihirap ang unang nagiging biktima. Bakit sila pa, Panginoon?

Sa loob ng mga hospital, kung saan ang isang mabuting magulang o asawa o anak pa ang magkakaroon ng kanser o malubhang karamdaman. It’s unfair, Lord!

Ang mga masisipag at matitiyagang manggagawa, mga tatay na maagang gumigising upang mag trabaho, ay siya pang unang tatanggalin sa trabaho.

Ang mga kabataang nalalason ng droga, bisyo at pita ng laman, bakit pinapayagan ito ng Diyos, na lubos na nagmamahal sa mga musmos, sapagkat katulad nila ang paghahari ng Diyos.

Ang mga naparatangan ng isang krimen na hindi naman nila ginawa, mga nabilanggo dahil sa kahirapan, mga bata na iniwan ng mga magulang, nasaan ba ang iyong katarungan, Panginoon?

Masasabi nating nararanasan ng tao ang ganitong waring pagpapabaya ng Diyos dahil na rin sa kasalanan! May mga trahedya sa buhay ng tao dahil sa kasalanang kanyang nagawa. Subalit sa kabila ng pagiging makasalanan ng tao, isang ang tiyak na masasabi ko: Mahal pa rin ng Diyos ang tao!

Subalit si Jesus ay walang kasalanan. Bakit kailangang pabayaan rin siya ng Ama? Ipinaliwanag ni San Pablo sa kanya Sulat sa mga taga Corinto: “Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos” (2 Cor 5: 21). Sa madaling sabi, waring pinabayaan ng Ama si Jesus sapagkat inako niya sa sarili ang kaparusahan sa kasalanan ng tao! Nakiisa si Jesus sa tao sa pamamagitan ng pagpasan sa kasalanan ng tao at kasama na rin nito paghihirap na bunga ng pagkakasala.

Samakatuwid, maari rin natin sabihin na: Pinabayaan ng Ama na magdanas ng kahirapan ang kanyang Mahal na Anak na si Jesukristo, ng dahil na rin sa tao, para sa kaligtasan ng lahat. Napakadakilang pag-ibig: “vSapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan”(Jn. 3:16). Tiniis ng Ama na pabayaan ang Kanyang Anak, upang isigaw ang mga katagang: Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?, upang sa pamamagitan na rin ni Jesus, marinig ang hinaing ng tao! Napagtanto ba natin, na kailangang pabayaan ng Ama si Jesus, upang tayong tao ay huwag niyang pabayaan? (Have you taken time to consider that Jesus was abandoned by the Father so that you might not be?)

Nakikiisa si Jesus sa bawat sigaw ng tao upang humingi ng tulog sa Diyos. Kung kaya nga’t ang sigaw ni Jesus na “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”, ay sigaw na puno ng pananampalataya sa Ama, sigaw ng pag-asa, sigaw na puno ng pagtitiwala sa Diyos! Hindi ba’t ang sigaw na ito ay isang panalangin: “Diyos ko, Diyos ko!”

Sa katunayan ang Salmo 22 ay nagtatapos sa mga salitang: “Mga ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan, sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan. Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin! Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain, bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin! Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak, hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap; sinasagot niya agad ang mga kapus-palad” (Ps. 22:22-24).

Kailanman ay hindi itinatago ng Diyos ang kanyang mukha sa sino mang dumadaing sa Kanya. Kanyang dinirinig ang bawat panaghoy ng mga dukha. Sapagkat, ang mga panaghoy na ito ay siya ring panaghoy ni Jesus. Nakiisa si Jesus sa ating pagkatao.

Kung nakiisa si Jesus sa ating pagkatao, hindi ba nararapat na makiisa rin tayo kay Kristo? Isanib natin an gating sarili kay Kristo, na naunang magpasya na isanib ang kanyang Sarili sa ating pagkatao, upang tayo ay maging katulad niya, na maging mga anak ng Diyos.

Sumigaw na kasama ni Kristo. Pakinggan ang sigaw na kasama ang Diyos! Paano natin ito gagawin? Madali ang sumigaw kasama ni Kristo, sapagkat karaniwan na nating itong ginagawa sa tuwing mga hinanaing sa Diyos sa ating mga panalangin. Ang mahirap ay ang makinig sa hinaing ng iba kasama ang Diyos.

Ang makinig sa hinaing ng mga dukha kasama ang Diyos ay nangangahulugan ng pakikiisa sa kanilang pagkaduhagi, pakikiramdam sa kanilang gutom at paghihikahos. Pagpapakasakit upang ang iba ay maibsan kahit man lamang konti ang paghihirap. Ang tayo’y mamatay sa pagiging makasarili, ang pagtatakwil ng ating sarili, ang magpaubaya ng sarili, upang punuin ang buhay ng iba tulad ng ginawa ni Jesus sa krus. Ang mga halimbawa nito ay: ang mga sakripisyo ng mga magulang sa kanilang mga anak; sakripisyo ng mga anak para sa mga magulang at mga kapatid; ang pagtitimpi na huwag kumain ng masasarap at sa halip ay ibigay sa walang kakain ngayon, ang pagiimpok ng salapi hindi para sa sariling pangangailan kundi para sa mga matitinding pangangailan ng mga kapus-palad, ang unahin ang kapakanan ng iba keysa sa sariling layaw. Ang mamatay ng dahil sa minamahal at sa hindi nagmamahal!

Ang mamatay sa sarili ay ang pagkamatay sa ating pagiging makasalanan. Ayon sa Ebanghelyo: “vAng nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito"(Mt. 10:39). Kaya’t paalaala ni San Pablo sa taga Roma: “Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan ngunit buhay naman dahil sa Diyos, sapagkat kayo'y nakipag-isa na kay Cristo Jesus.”(Roma 6: 11). Dahil sa binyag, namatay tayong kasama ni Kristo at dinamtan ng pagkatao ni Kristo. Kaya meron na tayong kakayahan na mamuhay tulad ni Kristo sapagkat may buhay na tayo ng pagiging mga anak ng Diyos at kapatid ni Kristo!

Ang pakikipagkaisa kay Kristo ay ang ating pakikipagka-isa sa Kanyang Katawan Mistiko – ang Simbahan, ang Sambayanan. Sa pakikipagkaisang ito ay pakikiisa sa pakikinig sa mga panaghoy, panambitan, mithiin, panaginip, ninaharap na mga pagsubok, mga kinababalisan ng sambayanan. Ang pakikisangkot ni Kristo sa sambayanan ay tunay na pakikisangkot ko!

Isang tao ang minsa’y nanalangin at nagreklamo sa Diyos: “Panginoon ko, bakit wala po kayong ginagawa sa mga sunod-sunod na problema sa mundo? Wala po kayong gagawin sa mga ito? At ang Diyos ay sumagot: “Iyan nga ang dahilan kung ikaw ay nilikha ko!”

“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Panaghoy ni Jesus sa krus!

“Panginoong Jesus, narito ako! Katuwang mo ako upang pakinggan ang mga panaghoy mo! Amen.”


(To be delivered during the Siete Palabras, Good Friday at St. John the Baptist Parish, Daet, CN)

No comments: